Tatlong araw na puno ng segregation, timbangan, at pagtitipon ng datos ang nagdaan sa Sitio Lantung, Barangay Baluno noong ika-4 hanggang ika-6 ng Agosto, nang isagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang Waste Analysis and Characterization Study (WACS), sa ilalim ng pangunguna ng City General Services Office (CGSO) at City Environment and Natural Resources Management Office (CENRMO).
Layunin ng aktibidad na matukoy ang dami at uri ng basurang nililikha ng iba’t ibang sektor sa lungsod, mula sa mga sambahayan, institusyon, komersyal na establisimyento, hanggang sa mga barangay mismo.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng EU-Philippines Green Economy Partnership (EU-PH GEP), kasama ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) at ang Local Government Unit (LGU) ng Isabela City sa pamamagitan ng CGSO at CENRMO. Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng lungsod tungo sa mas maayos at siyentipikong batayan para sa ecological solid waste management, at sa pag-update ng 10-Year Solid Waste Management Plan ng Lungsod ng Isabela.




Sa unang araw ng sampling, tinipon at isinumite ng mga kalahok na barangay ang representative household waste samples mula sa kani-kanilang komunidad, kasama na rin ang mga sample mula sa piling institusyon at establisimyento upang tiyaking masaklaw ng pag-aaral ang iba’t ibang waste stream sa buong lungsod. Matapos ang koleksyon, ang mga basurang natipon ay dinala sa itinalagang WACS sorting area sa Sitio Lantung, Barangay Baluno, kung saan sinimulan ng mga waste segregator at LGU personnel — na hinati sa apat na koponan — ang masusing pag-uuri, pagbibigay-timbang, at pagre-record ng mga datos.
Nagpatuloy ang aktibidad sa Ika-2 at Ika-3 na araw, kung saan ipinagpatuloy ang pagsusuri sa mga natitirang waste sample upang matiyak na kumpleto at maaasahan ang makukuhang impormasyon. Ang datos na nalikom mula sa tatlong araw na pagsusuri ay magsisilbing matibay na batayan sa pagtukoy ng mga pagkakataon para sa waste reduction, resource recovery, at waste diversion — mga hakbang na susuporta sa pagbuo ng mas epektibo at napapanahong ecological solid waste management system ng lungsod ng Isabela.
Isang malinaw na patunay ang WACS na hindi lamang basta pagtitipon ng basura ang layunin ng lungsod, kundi ang pagbuo ng mas malalim na pag-unawa kung paano ito pamamahalaan, mula sa pagsusuri, hanggang sa praktikal at napapanahong solusyon. Patuloy na kumikilos ang lungsod ng Isabela tungo sa isang mas malinis, sustinado, at circular na kinabukasan. (Sulat ni S. Angging, CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)






