Nakipagpulong ang kinatawan ng World Health Organization (WHO) Philippines kay Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman noong Agosto 18 upang talakayin ang mga hakbang para sa pagpapaigting ng tobacco control initiatives sa Lungsod ng Isabela.
Sa pagbisita, binigyang-diin ng WHO ang kahalagahan ng pagbuo ng mga lokal na ordinansang naaayon sa World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC), isang pandaigdigang kasunduan na naglalayong tugunan ang mga panganib sa kalusugan na dulot ng paggamit ng tabako. Naging batas sa Pilipinas ang WHO FCTC noong Setyembre 2005.
Kinikilala ng WHO ang pagsisikap ng Lungsod ng Isabela na tugunan ang mga sakit at pagkamatay na may kaugnayan sa paggamit ng tabako, kabilang ang patuloy na proseso ng pagbuo ng isang komprehensibong Tobacco Control Ordinance.




Pinangunahan ni Dr. Florante Trinidad, National Professional Officer ng Tobacco Free Initiative/Health Systems Strengthening ng WHO Philippines, ang pagbisita. Hinikayat din ang pakikipagtulungan ng City Health Office at ng konsehal na nakatalaga sa usaping pangkalusugan upang maisulong ang mga hakbang para sa mas epektibong tobacco control sa lungsod. Kabilang sa mga dumalo ay sina DOH-ZPCHD DMO IV Bryant Labastida, DMO I Arnold Cabato, AA II Joshua Camacho, Nurse V Charita Duano, HPO I Crisa Marie West, NCD Supervisor Lujie Cruz, SI I Rizaldy Cruz, HRH TL Aileen Tindoc, DMO II Ann Margareth Pintor at AA II Jaymic Deguilmo. Naroroon din sina Konsehal Asan Al-Ameen Camlian City Health Officer Dr. Mohrein Ismael VI at HEPO Bernadita Hontucan.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang Isabela City Jail sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan para sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at mga kawani ng piitan.
Sa pamamagitan ni Acting Warden JINSP Sofia Sojor, nagsagawa ang Isabela City Jail ng courtesy visit kay Punong Lungsod Turabin-Hataman upang personal na maipahayag ang kanilang pasasalamat at mapalakas ang patuloy na koordinasyon sa pagitan ng dalawang tanggapan.






