Tatlong taon ng pagsusulong ng good governance, accountable leadership, at makabuluhang pagbabago.
Nagsama-sama ang mga Mayors for Good Governance (M4GG) convenors at ibang local government leaders na nagsusulong ng good governance sa inilunsad nitong “3 Years of Good Governance Leadership Summit” noong Agosto 22, upang magbahagi ng karanasan, matuto mula sa isa’t isa, at sama-samang pag-isipan kung paano higit pang mapapalakas ang pamamahalang tunay na nakasentro sa mamamayan.
Kabilang sa mga lider na nagtipon para sa makabuluhang leadership dialogue sina Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, Pasig City Mayor Vico Sotto, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Naga City Mayor Leni Robredo.
Magkakaiba man ang laki ng kanilang mga lungsod, iba-iba man ang kanilang karanasan at konteksto sa pamamahala, nagtagpo ang kanilang mga pananaw sa iisang layunin: isulong ang pamahalaang may integridad, pananagutan, transparency, at tunay na malasakit sa mamamayan.




Sa bawat talakayan, naging mahalagang paalala na ang mabuting pamamahala ay hindi lamang tungkol sa mga programa at polisiya—ito ay tungkol sa tiwala, pakikinig, pananagutan, at serbisyong may malasakit.
At para sa mga Isabeleño, isang bagay ang malinaw: kahit maliit ang Lungsod ng Isabela at nasa dulo ng Pilipinas, kaya nitong makipagsabayan sa mga lungsod na nangunguna sa mabuting pamamahala.
Sa pamumuno ni Mayor Dadah, patuloy nating ipinapakita na ang husay sa pamamahala ay hindi nasusukat sa laki ng lungsod, kundi sa laki ng malasakit at lawak ng positibong pagbabagong naihahatid sa mamamayan.
Maliit man ang Lungsod ng Isabela sa mapa, matayog ang pangarap, malawak ang ginagawa, at malaki ang ambag sa mabuting pamamahala. (Ambag na Ulat)






