Umabot sa 100 magsasaka mula sa Grupo sa mga Mag-Uuma sa PAHP Baluno Association at Masula Magtinanem Association ang tumanggap ng Cash for Training at Cash for Work Payout sa ilalim ng Project LAWA at BINHI ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) IX, bahagi ng Risk Resiliency Program–Climate Change Adaptation and Mitigation, Agosto 5-6, sa CDRRMO Operations Center. Layunin ng programa na palakasin ang kahandaan ng mga komunidad laban sa epekto ng climate change habang isinusulong ang seguridad sa pagkain at napapanatiling kabuhayan.


Bago ang payout, sumailalim ang mga benepisyaryo sa orientation hinggil sa sustainability activities ng Project LAWA at BINHI at sa workshop para sa project assessment kasama ang partner-beneficiaries. Pinangunahan ito ng mga kinatawan ng DSWD bilang bahagi ng pagsasanay upang matiyak ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan at mga hakbang sa pag-angkop sa pagbabago ng klima.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P8,280, katumbas ng 20 araw na Cash for Work/Training sa halagang P414 kada araw. Sa kabuuan, P828,000.00 ang naipamahagi ng DSWD IX sa 100 benepisyaryo.




Naging katuwang ng DSWD IX sa implementasyon ng programa ang Tanggapan ng ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (CSWDO), Tanggapan sa Pagbawas at Pamamahala ng Panganib sa Sakuna (CDRRMO), at Tanggapan ng Agrikultura (CAgO), na patuloy na nagsusulong ng mga programang nagpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka at komunidad upang maging mas matatag sa harap ng mga hamon dulot ng climate change.
Sa pamamagitan ng Project LAWA at BINHI, patuloy na pinagtitibay ang ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga programang hindi lamang nagbibigay ng agarang tulong-pinansyal, kundi nagtataguyod din ng mas matatag, ligtas, at napapanatiling kabuhayan para sa mga magsasaka sa Lungsod ng Isabela. (Sulat ni KC Lim/Kuha ni C. Digon, IsaTV)






