Nakipagpulong ang mga kinatawan ng Kawanihan ng Pananalapi ng Pamahalaang Lokal (BLGF) kay Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman noong Agosto 17 upang talakayin ang mga kasalukuyang inisyatiba na sumusuporta sa digital na pagbabago ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela. Kabilang sa mga dumalo sina John Kyle Sangalang ng BLGF Central Office, LTOO IV Allan Luy at LTOO Alpie Luy ng BLGF Region IX, kasama si Tagapagtasa ng Lungsod Vido Yu.
Nakipagpulong din ang mga kinatawan kay Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma upang talakayin ang mga inisyatiba para sa pagpapahusay ng digital systems at revenue administration ng Lungsod.




Binigyang-diin sa mga talakayan ang patuloy na suporta ng BLGF-DOF at Asian Development Bank (ADB), kabilang ang pagkakaloob ng mahigit P800,000 halaga ng mga kagamitang pang-information technology noong nakaraang taon sa ilalim ng Local Government Reform Program.
Tinalakay rin ang libreng pag-install ng prototype Real Property Information System (RPIS), na susundan ng pagpapatupad ng Computer-Assisted Mass Appraisal (CAMA). Inaasahang higit nitong mapapadigital ang mga talaan sa pagtatasa ng ari-arian at pananalapi, mapapahusay ang pangangasiwa sa kita, at mapalalakas ang potensyal ng Lungsod na madagdagan ang lokal na kita.






