Malugod na tinanggap ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang mga batang manlalangoy na sina Jessel Vianney Sta. Teresa at Muslimin Andami na bumisita sa kanyang tanggapan noong ika-5 ng Agosto matapos ang kanilang matagumpay na paglahok sa PAI Region IX Short Course Swimming Competition na ginanap noong Hulyo 11β12 sa Lungsod ng Dapitan.
Ibinahagi ng mga atleta ang kanilang karanasan sa kompetisyon at ipinakita ang mga medalya at pagkilalang kanilang natanggap. Ipinahayag naman ni Mayor Turabin-Hataman ang kanyang pagbati at paghanga sa kanilang dedikasyon, disiplina, at husay na nagbigay ng karangalan sa kanilang mga paaralan at komunidad.
Kinilala si Sta. Teresa, Grade 11 ACAD Rivero student ng Basilan National High School (BNHS), bilang Most Outstanding Swimmer (15β16 age category). Nagwagi siya ng gintong medalya sa 50-meter backstroke at 100-meter breaststroke, pilak sa 200-meter breaststroke at 100-meter freestyle, at tansong medalya sa 200-meter individual medley.



Samantala, si Andami ng Tampalan Elementary School ay kinilala bilang Most Outstanding Swimmer (11β12 age category) matapos makamit ang gintong medalya sa 100-meter freestyle at 50-meter breaststroke, pilak sa 100-meter relay individual medley, at tansong medalya sa 200-meter breaststroke at 800-meter freestyle.
Pinuri ni Punong Lungsod Turabin-Hataman ang dalawang atleta at hinikayat silang ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap sa larangan ng swimming. Binigyang-diin din niya ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga kabataang atleta na nagsisilbing inspirasyon sa komunidad.
Muling sasabak sina Sta. Teresa at Andami sa PAI Region X Short Course Swimming Competition Leg 2 na gaganapin sa Agosto 8β9 sa Lungsod ng Iligan, kung saan muli nilang kakatawanin ang Basilan at Lungsod ng Isabela.
Kasama rin sa pagbisita ang mga coach at mentors na sina Abdulhan Salapuddin at Arwa Ngiya para kay Sta. Teresa, at Merson Ambali para kay Andami, kasama si BNHS OIC Principal at Division Sports Officer Dr. Arnel Hajan. Naroroon din si CIO Mendry-Ann Lim na nagpakita ng suporta sa mga batang atleta. (Kuha ni M. Santos, CIO)
β#HAPIsabela






