Nitong ika-4 ng Agosto, inilabas ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamamagitan ng City Information Office (CIO), ang ‘2nd Quarter Communication Allowance’ ng mga Barangay Information Officers Network (BION), na ginanap sa ikalawang palapag ng Pasangen Commercial Complex (PCC).
Personal na ibinahagi ni Punong Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman ang ‘communication allowance’, kasama si City Information Officer at GAD Focal Mendry-Ann Lim.
Ang BION Communication Allowance, na may kasamang karagdagang insentibo na umaabot sa ₱4,500, ay tumutulong upang masuportahan ang mga gastusin sa napapanahong pag-uulat at pag-post ng mga BIO sa kani-kanilang barangay. Mula sa mahahalagang anunsyo ng LGU, mga programang pangkalusugan at kaligtasan, hanggang sa mga aktibidad at kaganapan ng bawat komunidad.




Bukod dito, dinalaw din ni Punong Alkalde Turabin-Hataman ang BION at GoGo Isabela Hub. Ang BION Hub ay dinisenyo upang mapalapit ang serbisyo publiko sa mga taong may katanungan hinggil sa mga programa at proyekto ng lungsod, dito rin makakakuha ng libreng ‘IEC materials’ mula sa iba’t ibang opisina ng LGU ang sinumang bibisita, tulad ng ‘brochures’ na may kapaki-pakinabang na impormasyon para sa pang-araw-araw na buhay.
Samantala, ang GoGo Isabela Hub naman ang siyang pinagha-handaan ng GoGo Team bago ang bawat ‘GoGo Session roll-out’, na malapit sa sentro ng bayan, upang mas madaling maabot ng mga Isabeleño ang mga serbisyong dala ng programa.
Patuloy na sinusuportahan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang bawat BIO kung saan, hindi lamang sila basta tagapagbalita, kundi kasosyo sa pagtiyak na ang bawat residente sa kanilang komunidad ay hindi mapag-iiwanan sa pampublikong impormasyon. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy na sinusuportahan ng LGU ang kanilang gawain, bilang pagkilala sa dedikasyon nilang maghatid ng serbisyo, kahit sa pinakamalalayong sulok ng lungsod.






