Bilang bahagi ng mga inisyatibong pang-imprastraktura na nakatuon sa kaayusan, kaligtasan, at dignidad ng pampublikong serbisyo, pormal na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang pasinaya ng proyektong bakod (perimeter fence) para sa pampublikong libingan para sa mga Muslim sa Barangay Lumbang, ika-5 ng Agosto.
Pinangunahan ang aktibidad ni Bise-Alkalde Ar-Jhemar Ajibon sa ngalan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, kasama si Bokal ng Unang Distrito ng Basilan Ahmed Ibn Djaliv Hataman. Ang konkretong bakod, na may kabuuang pondo na P7,876,766.99 mula sa 20% Development Fund ng lungsod, ay itinayo upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa nasabing libingan, bilang pagpapakita ng respeto sa mga yumaong mahal sa buhay at kaginhawahan sa mga pamilyang dumadalaw.
Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagtutok ng lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng mga pampublikong pasilidad sa lungsod, at pagpapalawak ng serbisyong nakasentro sa dignidad, kahandaan, at malasakit para sa bawat Isabeleño. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)
#HAPIsabela
#IsangBuhayNaMaligayaAtMarangalParaSaLahat







