Hindi lamang boses kung ‘di mga konkretong panukala ang inihatid ng mga kabataang Basileño sa isinagawang Basilan Youth Legislation Day (BYLD) nitong Agosto 13, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kabataang Basileño sa proseso ng paggawa ng mga ordinansa at iba pang legislative measures, bilang paghahanda sa kanilang mahalagang papel bilang mga susunod na lider at katuwang sa pag-unlad ng kanilang mga komunidad.
Kabilang sa mga naging panauhin at tagapagsalita si Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, na nagbigay ng makabuluhang mensahe sa mga kabataang kalahok.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Eisma na ang mga ordinansa at resolusyon ay hindi lamang mga dokumentong ipinapasa sa pamahalaan. Aniya, ang mga ito ay mga konkretong instrumento na maaaring gamitin upang matugunan ang mga pangangailangan ng komunidad at makalikha ng positibong pagbabago sa buhay ng mga mamamayan.
Bahagi rin ng programa ang presentasyon at pagsusuri sa mga draft ordinances na inihanda mismo ng mga kalahok. Matapos ang isinagawang workshop ukol sa drafting of ordinances and resolutions noong Hulyo, nabigyan ang mga kabataan ng pagkakataong ilahad ang kanilang mga panukala at makatanggap ng feedback mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.




Pinangunahan ang aktibidad ng Tanggapan ni Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan sa pamamagitan ng Provincial Youth Development Office, Sangguniang Panlalawigan, at Taguima Youth Alliance.
Naging tagasuri sa mga iniharap na mga ordinansa sina Bokal Hataman, Ahmad Ismael, Atty. Faidgar Jaafar, Dr. NurKhan Istarul, at IPMR Datu Ansar Gadja. Pinuri naman ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang aktibong partisipasyon, pagkamalikhain, at mga makabuluhang ideyang ibinahagi ng mga kabataan.
Ayon kay Bokal Hataman, ang Basilan Youth Legislation Day ay naglalayong higit pang linangin ang kakayahan ng kabataan sa paggawa ng mga ordinansa at hikayatin silang maging aktibong bahagi ng legislative process.
Sa pamamagitan ng pakikilahok ng kabataan sa mga ganitong inisyatiba, mas napapalakas ang kanilang boses at mas nabibigyan sila ng pagkakataong maging bahagi ng mga desisyong may direktang epekto sa kanilang komunidad. (Ambag na Ulat)






