Sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, at ng Tanggapan ng Lokal na Pagpapaunlad ng Kabataan (LYDO) na pinamumunuan ni Levinia Jarejolne, pormal na sinimulan ang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan sa pamamagitan ng Color Fun Run for a Cause na may temang “Local Youth Actions for the SDGs and Beyond”, Agosto 10, sa Isabela City Grandstand.
Nagsimula ang programa sa masiglang zumba, na sinundan ng masayang fun run. Pagkatapos ng takbuhan, nagbalik ang mga kalahok sa grandstand para sa pormal na pagbubukas ng programa.
Nagbigay ng mainit na pagbati si pangulo ng Isabela City SK Federation Naila Belleng, kung saan kanyang binigyang-diin ang buong suporta sa mga kabataan para sa selebrasyon ngayong taon. Malugod din niyang tinanggap ang lahat ng kabataang dumalo sa aktibidad.
Ipinresenta naman ni LYDO Levinia Jarejolne ang mga opisyal na gawain at aktibidad na inihanda ng Isabela City Local Youth Development Office para sa Linggo ng Kabataan.
Sa parehong pagkakataon, pormal ding inilunsad ang pinakahihintay na aktibidad ng Linggo ng Kabataan—ang HAPIsabela Youth Summit 5.0—sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga kalahok, tagapagpadaloy, at opisyal na katuwang ng programa.
Itinampok ng buong kaganapan ang matibay na ugnayan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela at ng mga kabataang residente nito. Muling ipinamalas na ang kabataan ay katuwang sa pagsusulong ng mga layunin para sa mas maunlad, mas inklusibo, at mas ligtas na komunidad. Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, nabibigyan ng mas maraming oportunidad ang kabataan na maipahayag ang kanilang ideya, talento, at malasakit sa lungsod. Patunay ito na sa suporta ng lokal na pamahalaan at sa aktibong partisipasyon ng kabataan, mas magiging matatag ang kinabukasan ng Lungsod ng Isabela. (Sulat ni KJ Lim/Kuha ni J. Segovia, IsaTV)
