Idineklara ng Pangasiwaan ng Estadistika ng Pilipinas (PSA) Basilan Provincial Statistical Office na bumaba ang inflation rate sa Basilan sa 9.6 porsyento nitong Hulyo 2026, mula sa 9.8 porsyento noong Hunyo. Ito ay inihayag sa kauna-unahang Live Inflation Report Briefing na ginanap sa Provincial Statistical Office, Barangay Aguada, ika-13 ng Agosto.
Sa kanyang presentasyon, ipinaliwanag ni Chief Statistical Specialist Masil Mohammadsha, na ang inflation rate ay sumasalamin sa pagbabago ng presyo ng mga bilihin kumpara sa nakaraang buwan. Ayon sa datos, ang average inflation ng lalawigan mula Enero hanggang Hulyo ay nasa 7.6 porsyento.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng inflation ay ang deceleration sa pagkain at non-alcoholic beverages group, kung saan bumaba ang presyo ng mga produkto tulad ng gatas at itlog, gulay, at isda. Bumaba rin ang presyo ng ilang bahagi ng pabahay, tubig, kuryente, gas, at fuels, partikular na sa kuryente at gas.
Gayunpaman, patuloy pa ring itinuturing na pangunahing kontribyutor sa inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages group, kasunod ng transportasyon — kung saan lumitaw ang bigas, gasolina, at iba pang pamamaraan ng transportasyong panlupa bilang mga nangungunang salik na nakaapekto sa presyo ng bilihin sa buong lalawigan.
Binigyang-diin din ni Mohammadsha na layunin ng aktibidad na maipalaganap ang tumpak na impormasyon sa publiko upang maunawaan ng mga mamamayan kung paano nakaaapekto ang inflation sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay bilang mga konsumer. Ayon sa kanya, magiging regular na ito buwan-buwan upang masubaybayan kung aling mga commodity ang tumaas o bumaba ang presyo, gayundin ang anumang pagbabago sa merkado.
Ipinakita rin sa briefing na mas mataas ang inflation rate na naranasan ng mga kabilang sa bottom 30% income households sa lalawigan, na umabot sa 11.3 porysento noong Hulyo — patuloy na patunay na mas malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo sa mga mababang-kita na sambahayan.




Sinundan ito ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at magpaliwanag pa hinggil sa datos na ipinakita. Ipinahayag din ng PSA na ipapaskil ang buong ulat sa kanilang opisyal na page upang mas marami pang mamamayan ang makakaalam at makaabot ng impormasyong ito.
Dumalo rin sa nasabing briefing ang mga kinatawan ng 97.5 Nutrieskwela Radyo Komunidad, IsaTV/City Information Office, at mga Barangay Information Officers, bilang bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa ekonomiya ng lalawigan. (Sulat ni KC Lim/Kuha ni C. Digon, IsaTV)






