Tampok ang kultura, pamumuno, adbokasiya, at potensiyal ng kabataang Isabeleño sa isinagawang Search for Mr. and Ms. Bahau Kaonde’an Linggo ng Kabataan (LNK) 2026, na ginanap noong Agosto 12, kasabay ng pagdiriwang ng International Youth Day.
Kinoronahan sina Fatima Fhatien Balling ng East District bilang Ms. Bahau Kaonde’an 2026 at Rosander Dean Poliquit ng West District bilang Mr. Bahau Kaonde’an 2026. Sila ang mangunguna sa mga kabataan ng lungsod sa pagtataguyod ng mga adbokasiya para sa pamumuno, pakikilahok sa komunidad, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapahalaga sa kultura at pagkakakilanlan.
Bahagi ang patimpalak ng 2026 Linggo ng Kabataan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamumuno ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Lokal na Pagpapaunlad ng Kabataan (LYDO) sa pangunguna ni LYDO Levinia Jarejolne, katuwang ang Sangguniang Kabataan Federation na pinamumunuan ni SK Federation President Naila Belleng.
May temang “Different Contexts, Common Aspirations,” ipinakita ng patimpalak na higit pa sa tradisyonal na pageant ang pagdiriwang. Naging plataporma ito upang maipamalas ng kabataan ang kanilang mga kuwento, kultura, talino, adbokasiya, at mga mithiin para sa komunidad.







Dumaan ang mga kandidato sa iba’t ibang bahagi ng kompetisyon, kabilang ang opening production, impromptu speech, cultural attire presentation, advocacy presentation, at final question-and-answer. Sa impromptu round, nagbahagi sila ng kanilang pananaw hinggil sa iba’t ibang Sustainable Development Goals (SDGs), habang binigyang-diin naman sa cultural attire ang yaman ng kanilang kultura at pamana.
Sa huling yugto, itinampok ang Top 4 at isinagawa ang final Q&A na nagsilbing batayan sa pagpili ng mga bagong kinatawan ng kabataan.
-Mr. Bahau Kaonde’an 2026
Rosander Dean Poliquit — West District
-Ms. Bahau Kaonde’an 2026
Fatima Fhatien Balling — East District
-1st Runner-Up, Female
Beulah Tarroza — West District
-1st Runner-Up, Male
Abu-Khair Dalmasa — East District
-2nd Runner-Up, Female
Keira Estrada — Island District
-2nd Runner-Up, Male
Osama Saluan — Island District
-3rd Runner-Up, Female
Christine Fame Campano — North District
-3rd Runner-Up, Male
Omar Saud Jamero — West District
Iginawad din ang mga espesyal na pagkilala at major awards, kabilang ang Best in Advocacy at Mr. and Ms. Cultural Attire Presentation. Tumanggap ang mga nagwagi ng plaque, tokens, at cash prizes.
Ang mga kandidato ay hinatulan nina IO III Marion Guerrero, Bajao Floating Integrated Scho Principal Dr. Ajid Milgaril, at City Legal Officer Atty. Rosebell Sanson.
Sa pamamagitan ng Mr. and Ms. Bahau Kaonde’an 2026, ipinakita ng kabataan ng Isabela City na ang kanilang magkakaibang kuwento, kultura, at karanasan ay maaaring pag-ugnayin ng iisang mithiin: ang makilahok, manguna, at makalikha ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad. (Kuha ni J. Segovia, IsaTV)






