Pormal na inilunsad ang Sakayan-Kaalaman 3.0 noong Agosto 18 sa Kaumpurnah Elementary School, sa pangunguna ng Schools Division Office-Isabela City sa pamumuno ni OIC-Schools Division Superintendent Ma. Laarni Villanueva, EdD, CESO VI, at ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman. Layunin ng programang ito na matulungan ang mga batang mambabasa na may kahinaan sa pagbabasa at pag-unawa.
Kabilang sa programa ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng dalawang institusyon bilang pagpapatibay sa iisang layunin na mapabuti ang literacy rate ng lungsod. Simula rin nito ang 20 reading sessions para sa 100 piling mag-aaral ng Kaumpurnah Elementary School na kabilang sa mga struggling readers.
Binuksan ang programa ni CIO Mendry-Ann Lim, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagbabasa bilang pundasyon ng pagkatuto at daan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan ng kabataan.
Nagbahagi naman ng inspirasyonal na mensahe si Punong Lungsod Turabin-Hataman. Aniya, ang pagbabasa ay hindi lamang kasanayan kundi isang susi upang mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa bawat batang Isabeleño. Bilang patunay ng kanyang malasakit, siya mismo ang nanguna sa isang reading session upang ipakita na ang pamahalaan ay katuwang ng mga guro at magulang sa pagtuturo sa mga bata.
Nagpahayag din ng suporta si Senior Education Program Specialist on Social Mobilization and Networking Shaidomar Francisco, na kumatawan kay OIC-Schools Division Superintendent Villanueva. Pinuri niya ang pamahalaang lungsod sa patuloy na pagbibigay-halaga sa edukasyon, at binigyang-diin na ang kooperasyon ng DepEd-Isabela City at ng lokal na pamahalaan ay makapangyarihang puwersa tungo sa layunin na walang batang maiiwan sa kakayahang bumasa at umunawa.
Naging emosyonal naman si Principal II Rasheeva Atara, punongguro ng paaralan, sa kanyang pasasalamat matapos mapili ang kanilang paaralan bilang host ng paglulunsad ng programa. Ipinahayag din niya ang kanyang pasasalamat sa buong suporta ng lokal na pamahalaan, lalo na sa pagbibigay-halaga sa paaralan at sa kapakanan ng mga bata.
Kasama rin sa aktibidad ang Youth Space Mentoring volunteers sa ilalim ng pamamahala ni Hepe ng LYDO Leviña Jarejolne, na lumagda ng kanilang pangako upang maging katuwang ng mga guro at mag-aaral sa kanilang paglalakbay tungo sa pagbabasa. Patunay ito na hindi lamang mga institusyon kundi maging ang kabataan mismo ay handang umalalay sa kapwa kabataan.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, si Dr. Helen De Leon, EPS in English, na kumatawan kay CID Chief Dr. Henry Tura ay nagpahayag na ang pagbabasa ang pundasyon ng lahat ng larangan ng pagkatuto. Aniya, ang mga programang tulad ng Sakayan-Kaalaman ay mahalagang hakbang upang mahubog ang kinabukasan ng mga kabataan.
Dumalo rin sa programa sina EPS-LR Dr. Elsa A. Usman; EPS in Filipino Dr. Reynajoyce B. Barutu; EPS in Science Sayana Hasan; EPS/Division ARAL Program Coordinator Josiah Tuballa; Public Schools District Supervisor–Isabela East District II Rachel Oliveros; at Public Schools District Supervisor–Division Reading Coordinator Dr. Fadher Ismael, kasama ang iba pang mga opisyal mula sa DepEd-Isabela City, mga magulang, guro, at PTA officers ng paaralan.
Nakapagtala ng malaking tagumpay ang unang Sakayan-Kaalaman sa Busay Elementary School, kung saan bumaba sa zero ang bilang ng mga nahihirapang magbabasa o struggling readers mula sa dating 98 mga bata. Sinundan ito ng Sakayan-Kaalaman 2.0 sa Cabunbata Elementary School, na nagtala rin ng kaparehong tagumpay mula sa dating 97 mga struggling readers. (Sulat ni E. Banding-Hadjala,CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)