PANGANGALAGA SA YAMANG-DAGAT, SENTRO NG IKALIMANG TAON NG HAPISABELA YOUTH SUMMIT

Bilang bahagi ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan 2025 at kaugnay ng International Youth Day, pormal na inilunsad noong Agosto 15 ang HAPIsabela Youth Summit 5.0: The Fifth Wave na may temang A.L.O.N. – Advancing Leadership through Oceanic Nurturing. Layunin ng tatlong-araw na pagtitipon na palakasin ang kaalaman, partisipasyon, at kakayahan ng kabataan sa pangangalaga ng kalikasan at karagatan, gayundin sa pagpapaunlad ng kanilang pamumuno at serbisyo sa komunidad.
Isa sa mga tampok ng pagbubukas ang pagpapakilala sa Hiraya ng Karagatan, ang simbolikong “armada” ng summit na binubuo ng walong pangkat: Alpas-Diwa, Amihan-Tala, Habágat-Sigla, Duyog-Kapitan, Bighani-Baybayin, Taginting-Kalawakan, at Daluyong-Katuturan.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamamagitan ng Tanggapan ng Lokal na Pagpapaunlad ng Kabataan (LYDO), katuwang ang 6th Special Forces Battalion (6th SFBn) at 19th Special Forces Magnitude Company, nagsimula ang programa sa pambungad na mensahe ni pangulo ng SK Federation Naila Belleng, na sinundan ng pahayag ni CPT Ian Clyde Conde, Civil-Military Operations Officer ng 6th SFBn. Nagbigay din ng mga inspirasyonal na mensahe sina Konsehal Asan Al-Ameen Camlian at Konsehal Karel Annjaiza Sakkalahul-Hataman bilang pahayag ng suporta.
Bilang panauhing tagapagsalita, binigyang-diin ni Direktor Panrehiyonal Raymond Domingo ng Pambansang Komisyon sa Kabataan ang mahalagang papel ng kabataan sa pagtamo ng Sustainable Development Goals (SDGs) sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga proyektong pangkomunidad, paggamit ng teknolohiya at social media para sa pagpapalaganap ng kaalaman, at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor.
Sa unang araw, anim na mahahalagang sesyon ang itinampok tulad ng “What’s at Stake?” na tinalakay ni Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman; “Marine Ecology” na ibinahagi ni Al-rashid Ismael mula sa I Can Make A Difference Inc.; “West Philippine Sea Campaign” ni CPT Ian Clyde Conde mula sa 6th SFBn; “Preventing and Countering Radicalization and Violent Extremism” na ipinaliwanag ni SGT Rodrigo Celebrado Jr. mula sa 19th SFBn; at “Waves of Change: Youth as Stewards of the Sea” ni Romelita Fullente, kasunod ng Project Pitch ni hepe ng LYDO Levinia Jarejolne.
Sa kabuuan, pinagtibay ng unang araw ng HAPIsabela Youth Summit 5.0 ang paniniwalang ang kabataan ay hindi lamang tagasunod ng pagbabago, kundi sila mismo ang magiging daluyong ng kaunlaran at tagapangalaga ng kalikasan at kinabukasan ng komunidad. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)
Facebook
X
LinkedIn

More from the Newsroom

UNANG ARAW NG LIBRENG ISA-KAYAN PROGRAM, MATAGUMPAY NA UMARANGAKADA

Matagumpay na isinagawa noong ika-23 ng Hulyo, ang unang araw ng Libreng Isa-Kayan Program ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, kung saan, umabot sa 89 na mag-aaral, kasama ang ilang magulang ng mga bata sa kindergarten, ang unang nakinabang sa libreng serbisyo mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga. ‎ ‎Sinimulan ang

Read More »

MAYOR TURABIN-HATAMAN KEYNOTES AIM FUTURE BRIDGING LEADERS PROGRAM

City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman served as keynote speaker during the Public Recital of the Future Bridging Leaders Program (FBLP) Cohort 6 of the Asian Institute of Management (AIM) on July 24 in Makati City. Also present during the event was District 1 Board Ahmed Ibn Djaliv Hataman. With the

Read More »