Pinangunahan ni Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman ang 2nd Quarter Meeting ng Gender and Development Focal Point System (GFPS) ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela noong Hulyo 23, 2026 sa City Health Office Conference Room.
Tinalakay sa pulong ang mga accomplishment ng GAD para sa 2026, mga panukalang programa para sa 2027 GAD Plan and Budget (GPB), at ang kahalagahan ng maagap na implementasyon ng mga proyekto at tamang paggamit ng 5% GAD budget.
Ibinahagi rin ni GAD Focal Mendry-Ann Lim sa pagpupulong ang resulta ng Philippine Commission on Women (PCW) Assessment nitong Marso, kung saan nakapagtala ang lungsod ng 3.71 sa pinakamataas na 4.0, dahilan upang muling makilala bilang isang Gender-Responsive LGU.





Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Dadah ang kanyang kasiyahan sa patuloy na paglago at pagpapalawak ng GAD Program ng lungsod.
“Nakakatuwang isipin na ang GAD ay hindi na lamang programa ng isang opisina. Nakikita natin ngayon na ginagamit na ito ng iba’t ibang departamento at tanggapan bilang instrumento upang makapaghatid ng mga makabago, inklusibo, at makabuluhang serbisyo para sa ating mga Isabeleño,” ani Mayor Dadah.
Hinimok din ng alkalde ang lahat ng miyembro ng GFPS na patuloy na paghusayin ang implementasyon ng kanilang mga programa at tiyaking naipapasa sa takdang oras ang mga accomplishment reports upang higit pang mapataas ang kalidad ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Samantala, iminungkahi ni Councilor Abner Rodriguez ang paghahain ng isang resolusyon na magbibigay-daan sa pagbalangkas ng bagong ordinansa para sa paglikha ng Gender and Development (GAD) Office kasama ang mga plantilla positions nito, bilang hakbang upang higit pang mapalakas ang koordinasyon at pagpapatupad ng mga programa at proyektong GAD sa lungsod.






