Isa sa mga makabuluhang inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, ang GoGo (Good Governance) Isabela Training Caravan, ay muling nagbabalik kung saan, nasa 80 na mga Barangay Kagawads mula sa 22 na malalapit na barangays ang dumalo sa nasabing caravan noong ika-29 ng Agosto, na naganap sa 2nd floor ng Pasangen Commercial Complex (PCC).
Matatandaan na ang GoGo (Good Governance) Isabela Caravan ay rumonda na sa 45 na barangays, 3 Eskwela Caravans, at nagsagawa ng GoGo Pasada sa mga aktibidad ng LGU, target ang iba’t ibang mga sektor na naglalayong ibahagi ang kaalaman kung paano palakasin ang karapatan ng bawat Isabeleño na maningil sa kaban ng bayan, ano ang tungkulin at responsibilidad ng mga nakaupong opisyal, magkano ang pondo ng lokal na pamahalaan, at papaano pumili ng maayos at mabuting lider upang makamit ang daan tungo sa mabuting pamamahala.
Pinangunahan ito ng mga aktibong GoGo volunteer speakers na sina Jeanette Climaco Rojas, isang Human Rights Advocate, at tinalakay ang unang sesyon na sumasaklaw sa tungkulin at responsibilidad ng mga namumuno mula pambansa pababa sa barangay, kasama si Barbette Jane Baclay, Community Health Developer at Project Coordinator mula sa Global Missions Project kung saan, tinalakay ang pondo ng pamahalaang lokal at detalyadong ipinaliwanag kung saan ito nahahati-hati para maisagawa ang mga proyekto at programa sa lungsod.
Ilan sa mga natutunan at naging komento ng iilang mga Barangay Kagawads ay ang sumusunod:
“Noon, wala pang programa kagaya ng GoGo Isabela na may lakas ng loob na talakayin ang budget ng Isabela, mismo ang IRA na ngayo’y NTA na, pinapakita sa atin ngayon. Ibig sabihin, gusto ng pamahalaang lokal na maging progreso, malinis at transparent ang lahat. Nasabi din na kaya may programang GoGo dahil ang napanalunan sa SGLG ay ginamit para rito. Ibig sabihin, hindi nila kinurap personally, binigay nila sa ganitong programa para mas maging klaro tayo. Progresibo na tayo dahil marami na tayong nakikitang development sa Isabela. Sa suporta ng ating lokal na pamahalaan, sana patuloy pa din ang ganitong programa dahil ito ay para sa atin, para klaro. Kaya nga may 3Ms: Makilahok, Makibahagi, at Makialam.”
“Ang maling akala ko noon ay ‘pag tao ka ng gobyerno, tumulong ka sa gobyerno, tumulong ka kay Mayora o kay Gob, kung ang ibibigay mong requirement ay fake, tatanggapin ka. Pero ngayon, kung ang requirement mo ay hindi tugma sa posisyon na kailangan, hindi po tayo tatanggapin.”
“Dahil sa GoGo seminar na ito, marami kaming natuklasan na mga bagay-bagay. Honestly, ako ay nasa ‘red’, medyo napaisip ako na hindi kami welcome sa City Hall, kase ‘red’ kami, pero sa mga lecture na in explain nina Ma’am, parang ganahan na kaming pumunta ng City Hall kase welcome pala kami. Iisa pala tayo.”
“Ang natutunan po natin sa GoGo seminar ay ‘huwag po tayong matakot na sabihin kung ano ang nais natin dahil bilang isang Brgy. Kagawad, marami po tayong magagawa dahil thru this GoGo Caravan Seminar, dumagdag ang mga kaalaman namin as Brgy. Kagawads.”
Naging posible ang GoGo Isabela Caravan sa suporta ng mga Punong Barangays at koordinasyon ng mga Barangay Information Officers (BIO), kabilang ang boluntaryong grupo ng mga aktibong GoGo secretariats at documenter, kasama ang iilang boluntaryong mga kabataan mula sa Kaya Natin Youth Basilan. (Sulat ni S. Angging, CIO/Kuha ni A. Puti, IsaTV)