Sa isang hakbang na naglalayong ilapit ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan, malugod na tinanggap ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman si National Bureau of Investigation IX regional director Atty. Jose Ermie Monsanto sa isang pagbisita, ika-30 ng Hulyo, upang talakayin ang mungkahing pagtatatag ng NBI Satellite Office sa lungsod.
Ibinahagi sa pulong ang hangarin na mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko at matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa mas malapit na serbisyo tulad ng pagkuha ng NBI clearance sa lungsod at buong lalawigan. Ipinahayag ni Punong Lungsod Turabin-Hataman ang buong suporta sa nasabing inisyatiba at ang kahandaang tumulong sa aspeto ng lohistika at lugar upang maisakatuparan ito.
Kapag naitatag na, inaasahang makababawas ito sa hirap ng mga residente na kasalukuyang kailangang bumiyahe sa labas ng lungsod para sa mga serbisyo ng NBI. Magiging dagdag din ito sa koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at susuporta sa mas malawak na layunin ng pamahalaang lungsod sa kapayapaan, kaayusan, mabilis at maayos na serbisyo. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)
#HAPIsabela
#AHappyAndDignifiedLifeforAll







