Muling isinagawa ang ika-94 na sesyon ng GoGo (Good Governance) Isabela Caravan sa mga aktibong fraternity groups kung saan, umabot sa 100 ang dumalo na naganap sa Pasangen Commercial Complex (PCC) noong ika-18 ng Nobyembre. Layunin ng makabuluhang pagsasanay na ito na ipalaganap ang kaalaman kung papaano makakamit ang mabuting pamamahala.
Nasa tatlong grupo ng fraternity ang nakilahok sa pagsasanay ng GoGo Isabela: (1) Alpha Kappa Rho, (2) Melta Yeta Omega, (3) Kappa Rho Kappa.
Sa pangunguna ni GoGo Volunteer Speaker 1 Maria Wendy Parojinog, Executive Assistant mula sa Claret Samal Foundation Incorporated (CSFI), tinalakay ang unang sesyon na sumasaklaw sa demograpiya ng Lungsod ng Isabela, ang tungkulin, responsibilidad, at obligasyon ng mga namumuno mula pambansa pababa sa barangay, kabilang ang pagsagot sa maling akala ng mga kalahok.
Sunod namang ipinaliwanag ni GoGo Volunteer Speaker 2 Margarita Auxtero, Project Development Coordinator mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Basilan kung saan nanggagaling ang pondo ng nasyonal pababa sa pamahalaang lungsod, at ang detalyadong pamamahagi ng pera ng gobyerno para maisagawa ang mga proyekto at programa sa lungsod.
Narito ang ilan sa mga natutunan, komento, at hinanaing ng mga kalahok:
“Natutunan ko talaga yung tungkol sa budget, yung mga pera, at least nalalaman natin saan napupunta ang pondo at ano ang karapatan nating mga Isabeleño. Kasama din yung mga serbisyong ipinapaabot ng LGU-Isabela City.”
“Natutunan ko ngayon ay una: naghahakot na pala ng awards ang Isabela City. Pangalawa: yung tourism natin, madami nang development, marami ng turistang pumupunta galing sa ibang lugar. Pangatlo: yung mga lugar natin dito, develop na rin at maayos na ang peace and order. “
“Ang pinagkaiba noon at ngayon ay dati, kinatatakutan tayo ng turista. Pero ngayon, dumarayo na sila dahil siguro, nakikita nilang napaunlad na ang ating seguridad.”
“Dati talaga, natatakot sila sa kagaya naming mga fraternities dahil hindi nagkakasundo lahat. Pero ngayon, nagkakaisa na ang iba’t ibang fraternities, may freedom na, pwede nang mag motorcade kapag mag celebrate ng anniversary.”
Naging posible ang GoGo Isabela Training Caravan sa buong suporta ng mga pinuno ng grupo: Atie Kalbi ng AKRO, Haber Omeng at Jemar Jammang ng MYO, at tulong ni BIO KPZ1 Aliya Andaya para maimbitahan ang miyembro ng KRK. Kasama rin ang boluntaryong grupo ng mga aktibong GoGo secretariats at documenter, at iilang mga boluntaryo mula sa Kaya Natin Youth Basilan sa pangunguna ng Pangulo nitong si Qasim Tapsi.
Naitalang umabot na sa 94 sesyon caravan ang GoGo Isabela: 45 Barangays, 39 na iba’t ibang sektor sa lungsod, ikalawang ronda sa 6 na malalaking barangays, at ngayo’y nasa 4 na GoGo Eskwela Caravan para sa mga mag-aaral kung saan, sa buong Rehiyon 9, nabigyan ng parangal bilang kampeon ang inisyatibang ito sa kategoryang ‘Citizen Participation’ ng 2025 Regional DILG ‘Layag’ Awards.
(Sulat ni S. Angging, CIO/Kuha ni A. Puti, IsaTV)