Matagumpay na isinagawa ang Basilan Employment Summit 2026 nitong Mayo 2, sa Isabela City Civic and Cultural Center sa pangunguna ni Board Member Ahmed Ibn Djaliv Hataman, kung saan mahigit 600 kabataan, fresh graduates, at jobseekers mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ang dumalo upang makibahagi sa isang buong araw na summit na nakatuon sa career readiness, employability, at workforce development.
Pormal na binuksan ang summit sa pangunguna nina Alkindar “Khinz” Amil, BM Hataman, kasama ang mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela at Pamahalaang Lalawigan ng Basilan. Sinundan ito ng mensaha mula kay BM Hataman, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng paghahanda sa kabataan para sa makabagong labor market.
Nagbigay naman ng inspirasyon si Alkindar “Khinz” Amil, mas kilala bilang ang viral na “Gasoline Boy,” na nagbahagi ng kanyang personal na karanasan at mensahe ng sipag, tiyaga, at oportunidad.
Sinundan ito ng serye ng talakayan mula sa kina Dr. Ronald Mendoza, Undersecretary for Strategic Management ng Department of Education; Dr. Manuel De Vera, executive director ng AIM Team Energy Center for Bridging Leadership; Marlyn Anoos, hepe ng DOLE-ICFO; at Hja. Amna Farrah Alihuddin, hepe ng MOLE BARMM BFO.
Isinagawa rin ang isang workshop kasama ang AIM na nakatuon sa tamang paggawa ng CV at resume, na mahalaga para sa mga naghahanap ng trabaho.
Sa hapon, nagpatuloy ang talakayan sa pangunguna nina Dr. Joseph Lou Sta. Teresa ng CHED IX; Jenny Tuazon ng DepEd SDO-Isabela City; Atty. Nuraiza Gagara ng Provincial Legal Office at PESO Focal; at muling pagbabahagi ni Amil.
Isa sa mga tampok na bahagi ng summit ang workshop kasama ang PHINMA na tumalakay sa mental health ng mga bagong empleyado at job seekers, kabilang ang tamang asal sa job interviews, pagbuo ng self-confidence, at wastong pananaw sa trabaho.
Sa bahagi ng synthesis, muling pinangunahan ni BM Hataman ang pagbibigay-diin sa mahahalagang aral mula sa summit—kabilang ang mga kasanayang dapat linangin, career paths na maaaring tahakin, at mga oportunidad sa training at employment.
Tinapos ang programa sa pagbabahagi ng sertipiko sa mga kalahok, bilang pagkilala sa kanilang aktibong partisipasyon.
Ang Basilan Employment Summit 2026 ay nagsilbing mahalagang plataporma upang pagdugtungin ang edukasyon, oportunidad, at kahandaan ng kabataang Basileño. (Sulat ni HD Castillo, IsaTV/Kuha nina AM. Bairulla at G. Salvador)
