Pormal nang binuksan noong ika-13 ng Agosto sa Isabela City Civic and Cultural Center ang 2025 Regional Convention of Human Resource Management Practitioners (HRMPs) na may temang “Strengthening a Culture of Good Governance: HRMPs’ Role to Lead, Include, Inspire.”
Nagbabalik sa Lungsod ng Isabela makalipas ang 21 taon, layunin ng pagtitipon na higit pang paigtingin ang kultura ng mabuting pamamahala sa pamamagitan ng pagpapalakas sa papel ng mga HR practitioners bilang tagapagtaguyod ng mahusay, inklusibo, at may malasakit na pampublikong serbisyo.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na kinatawan ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, at ni pangulo ng RCPO George Agayan, ang pormal na pagbubukas ng tatlong-araw na kumbensyon.
Dumalo sa pagtitipon ang mga delegado mula sa limang sangay ng Regional Council of Personnel Officers (RCPO): Zamboanga City Chapter, sa pangunguna ni pangulong Roderick Trio; Zamboanga del Sur Chapter, sa pamumuno ni pangulong Irvin Samonte; Zamboanga del Norte Chapter, sa pangunguna ni pangulong Manuel Cajocon; Zamboanga Sibugay Chapter, sa pamumuno ni pangulong Lorvi Sucgang; at Isabela City Chapter, sa pamumuno ni pangulong Rosella Luna.
Nakiisa rin ang mga opisyal ng Komisyon sa Serbisyo Sibil (CSC) na sina Direktor Sarah Amores-Batoy ng Zamboanga del Sur, Direktor Faida Aisha Calapardo ng Lungsod ng Zamboanga, Direktor Atty. Jerry Mayormita ng Zamboanga del Norte, at Katuwang na Direktor Panrehiyonal ng CSC IX Atty. Mario Jose Cunting.
Pinangunahan ni Direktor Sucgang ang pormal na pagkilala sa kabuuang 345 delegado mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at organisasyon ng serbisyo sibil sa buong rehiyon. Sa kanyang mensahe, ipinahayag niya ang pasasalamat sa aktibong partisipasyon ng mga dumalo at binigyang-diin na ang ganitong pagtitipon ay mahalagang plataporma para sa pagpapalakas ng ugnayan, pagbabahaginan ng karanasan, at pagtutulungan tungo sa mas mataas na antas ng serbisyo publiko.
Ibinahagi naman ni Tagapangasiwa ng Lungsod Eisma, sa ngalan ni Bise Alkalde Ar-Jhemar Ajibon, ang mga tagumpay ng lungsod sa larangan ng pamamahala, kabilang ang dalawang magkakasunod na Seal of Good Local Governance, 2025 Seal of Good Financial Housekeeping, patuloy na ISO 9001:2019 certification mula 2023, at mataas na 90.91% “Very Satisfactory” rating mula sa 2024 Customer Satisfaction Survey na may 32,847 na sumagot.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Direktor Cunting ang mataas na paggalang at pagpapahalaga sa mga HR management experts at outstanding public servants na patuloy na nagtataguyod ng pundasyon ng etikal at epektibong pamamahala.
Naging tampok din sa unang araw ng kumbensyon ang mga madamdaming mga awitin at sayaw mula sa Basilan Medical Center Grand Chorale, BNHS Chorale, Ora et La Bora Ensemble, at Pasangan Cultural Dance Troupe sa patnubay ni CTO Claudio Ramos II, na nagbigay-kulay at lokal na karakter sa pambungad na programa. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)