Bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa edukasyon at pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilyang Isabeleño, pormal na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, ika-21 ng Hulyo, sa pangunguna ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, ang Libreng Isa-Kayan Program para sa mga mag-aaral at guro sa lungsod. Nakiisa sa paglulunsad sina Konsehal James Abner Rodriguez, Yusop Abubakar, Jashim Tiplani, at Alexes Ututalum, kasama sina Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma at City Health Officer Dr. Mohrein Ismael VI.
Sa pamamagitan ng isang coaster na inilaan ng Pamahalaang Lungsod, makikinabang ang mga mag-aaral at guro sa libreng transportasyon upang maging mas madali, ligtas, at maginhawa ang kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa paaralan. Layunin din ng programa na mabawasan ang gastusin sa araw-araw na pamasahe at matiyak na mas maraming kabataang Isabeleño ang magkakaroon ng mas maayos na akses sa edukasyon.





Magsisimula ang libreng biyahe sa Barangay Baluno alas-6:30 ng umaga patungong Plaza Misericordia. Mula rito, magpapatuloy ang ruta patungong Barangay Cabunbata bago bumalik sa Plaza Misericordia at muling bumiyahe pabalik sa Barangay Baluno, upang mas maraming mag-aaral at guro mula sa mga rutang ito ang mapagsilbihan sa oras ng kanilang pagpasok at pag-uwi.
Ang Libreng Isa-Kayan Program ay patunay ng patuloy na malasakit ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang inklusibong edukasyon at ang pagbibigay ng mga serbisyong direktang nakatutulong upang maging mas madali at abot-kaya ang pagpasok sa paaralan para sa bawat Isabeleño. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)






