Matagumpay na isinagawa noong ika-26 ng Abril sa Plaza Misericordia ang Kasambuhan Medical Mission bilang bahagi ng selebrasyon ng 25 Taon ng Lungsod ng Isabela at ng 2026 Sakayan Festival.
May layong maghatid ng libreng serbisyong medikal at pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng lungsod, ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pangunguna ng CSWDO, PhilHealth, mga kinatawan mula sa Rural Health Units, at mga kawani ng CHO.
Nanguna sa pangangasiwa ng programa si CHO Dr. Mohrein H. Ismael VI, katuwang sina Dr. Rehab Hayre ng RHU-East; Dr. Nujum Datu Indal ng RHU-North; Dr. Sulaiman Tahsin, DRRM-H Manager; at Dr. Fatima Sharyn Angsa.
Nakiisa rin sa nasabing aktibidad si Queenie Padilla, kasama si CTO Claudio Ramos II, bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng Kasambuhan Medical Mission na mailapit sa mamamayan ang pangunahing serbisyong pangkalusugan at mapalawak ang akses sa serbisyong medikal, at patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod sa paghahatid ng inklusibo, maagap, at makataong serbisyong pampubliko para sa bawat Isabeleño. (Sulat ni HD Castillo/Kuha ni K. Galano, IsaTV)
