Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng inklusibo at makataong pamamahala, patuloy na nagpapatupad ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang mga programang nagtataguyod ng kapakanan at pantay na akses sa serbisyo para sa lahat.
Isinagawa noong ika-26 ng Abril sa Plaza Rizal ang “Pagkaun Para ha Katan: Feeding Program for Persons with Disabilities (PWDs)” bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lungsod ng Isabela at ang 2026 Sakayan Festival. Layunin ng programa na palakasin ang adbokasiya ng inklusibong serbisyong panlipunan sa lungsod.
Pinangunahan ang aktibidad ng Tanggapan ng Pamamahalang Pampopulasyon at Pangkaunlaran/Tanggapan ng Ugnayang Pangnutrisyon sa pamumuno ni CPMDO/CNAO Jesielyn Puno, katuwang ang Tanggapan ng Ugnayan para sa mga May-Kapansanan sa ilalim ng pamumuno ni CPDAO Gemma Casas-Paculio. Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng wastong nutrisyon at patuloy na pangangalaga sa kapakanan ng mga Persons with Disabilities.
Dumalo at nakibahagi ang mga PWD mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod, na nabigyan ng masustansyang pagkain at serbisyong may malasakit bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng inklusibong pag-unlad.
Nakiisa rin sa aktibidad ang Basilan Ambassador of Goodwill na si Queenie Padilla, kasama si City Tourism Officer Claudio Ramos II, bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay at inklusibong lipunan.
Ang nasabing feeding program ay isa sa mga tampok na inisyatiba sa pagdiriwang ng Sakayan, na sumasalamin sa patuloy na adhikain ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela de Basilan tungo sa isang mas inklusibo, makatao, at may malasakit na pamayanan. (Sulat ni HD Castillo/Kuha ni K. Galano, IsaTV)
