Republic of the Philippines

City of Isabela

ISABELA CITY LOCAL COUNCIL OF WOMEN, NAGBIGAY SA MGA PDL SA ISABELA CITY JAIL SA ILALIM NG “KALINGA: CARE FOR PDLS” PROJECT

Ngayong Buwan ng Kababaihan, naghatid ng tulong at malasakit ang Isabela City Local Council of Women (ICLCW), katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pangunguna ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa 129 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng Isabela City Jail sa pamamagitan ng proyektong “KALINGA: Care for PDLs” ika-11 ng Marso.
Bahagi ng aktibidad ang pormal na turnover ng livelihood sewing starter kits na isinagawa ng Local Council for Women at Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) Unit. Layunin nitong isulong ang rehabilitasyon at mabigyan ng pagkakataon ang mga PDLs na magkaroon ng kasanayan at posibleng mapagkakakitaan sa pamamagitan ng pananahi at maliit na tailoring activities sa loob ng pasilidad.
Layunin ng aktibidad na ipakita ang suporta at pag-aaruga sa mga PDLs sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng makatao at inklusibong serbisyo para sa lahat ng sektor ng komunidad.
Ang mga livelihood starter kits ay naglalaman ng mga pangunahing kagamitan para sa pananahi tulad ng dalawang sewing machines, mga rolyo ng tela, polyester sewing threads, sewing needles, pack of buttons, markers, rustproof spring press studs, at measuring tapes na maaaring gamitin sa paggawa ng mga souvenir items gaya ng keychains na kanilang binebenta.
Bukod dito, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng 26 na kahon ng multivitamins mula sa City Health Office upang makatulong sa kanilang kalusugan, gayundin ng 129 hygiene kits para sa pagpapanatili ng kalinisan at maayos na kalagayan sa loob ng pasilidad. Isinagawa rin ang isang orientation hinggil sa karapatan ng kababaihan na pinangunahan ni Jeanette Rojas upang higit na mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng mga PDLs tungkol sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
Ang nasabing inisyatiba ay nagpapakita ng malasakit ng mga kababaihan ng lungsod at ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng mga PDLs, na kinikilala rin bilang bahagi ng lipunan na nararapat makatanggap ng pag-unawa, paggalang sa dignidad, at pagkakataon para sa pagbabago.
Ang KALINGA: Care for PDLs Project ay isa sa mga programang nagsusulong ng social protection at gender-responsive governance sa Isabela City, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng malasakit, rehabilitasyon, at pag-asa para sa mga PDLs.
Ang Isabela City Local Council of Women ay pinangungunahan ni Miriam Suacito kasama sina Sheila Pagarigan, Misriya Iddilis, Sitti Hairan Ibrahim, Bernardita Hontucan at iba pang mga aktibong kababaihan sa lungsod. Dumalo rin sa aktibidad sina Deputy Warden JINSP Rene Abines, Chief Unit Welfare and Development Officer SJO4 Cherielyn Tabada, CIO at concurrent GAD Focal Person Mendry-Ann Lim, mga personnel ng Isabela City Jail, at ang mga PDL beneficiaries.

Like this article?

Share on Facebook
Share on Twitter
Share on Linkdin
Share on Pinterest

Leave a comment

[fbcomments]

Recent Post