Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang payout ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Lungsod ng Isabela.
Isinagawa ang payout sa Aguada Terminal, kung saan inaasahang 1,836 na kwalipikadong benepisyaryo mula sa Lungsod ng Isabela ang makatatanggap ng kanilang cash assistance. Ang pagpili ng mga benepisyaryo ay batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), at iba pang validation process ng DSWD.
Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng ₱2,000 buwanang ayuda mula Hulyo hanggang Disyembre, alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng ahensya.




Pinaaalalahanan ng DSWD ang publiko na tanging ang mga pangalang kabilang sa opisyal na listahan ng mga benepisyaryong naaprubahan ng ahensya ang maaaring tumanggap ng ayuda. Hinihikayat din ang mga benepisyaryo na dalhin ang mga kinakailangang dokumento at sundin ang itinakdang iskedyul upang maging maayos at mabilis ang proseso ng payout.
Ang UPLIFT Program ay isang inisyatiba ng pambansang pamahalaan na naglalayong magbigay ng pinansyal na tulong sa mga mahihirap, near-poor, at low-income na sambahayan na naapektuhan ng national energy emergency.
Layunin ng UPLIFT Program na makatulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang pinansyal na suporta upang matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.
(Sulat ni I. Fernandez, IsaTV / Kuha ni KC Galos, CIO)






