Mula sa dating City Infirmary, isa na ngayong mas moderno at mas pinalawak na City Health Office (CHO) Building ang nagsisilbing sentro ng mga serbisyong pangkalusugan sa Lungsod ng Isabela.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang pagpapasinaya sa mga bagong natapos na imprastraktura sa CHO Building sa Barangay Sunrise, ika-21 ng Hulyo, bilang patunay ng patuloy na pamumuhunan ng Pamahalaang Lungsod sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pagtiyak na de-kalidad na serbisyong medikal ang naihahatid sa bawat Isabeleño.
Umabot sa halos P13.86 milyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong isinakatuparan upang gawing mas moderno, mas episyente, at mas angkop ang mga pasilidad ng City Health Office sa lumalaking pangangailangan ng komunidad.
Kabilang sa mga natapos na proyekto ang rehabilitasyon ng ikalawa at ikatlong palapag, kabilang ang roof deck, na pinondohan mula sa 20% Development Fund sa halagang P7,382,007.68. Ang mga bagong pasilidad ay magbibigay ng mas maluwag at mas maayos na espasyo para sa paghahatid ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan at para sa mga healthcare workers ng lungsod.






Natapos din ang pagtatayo ng DOH Tuberculosis (TB) Microscopy Laboratory at Cold Chain Storage Facility sa ground floor ng gusali, kasama ang rehabilitasyon at pagpapalawak ng ikalawang palapag bilang Mental Wellness Conference Area. Pinondohan ito sa ilalim ng GAD CY 2023 sa halagang P2,499,573.23, na higit pang magpapalakas sa kakayahan ng lungsod sa pagsusuri ng tuberculosis, ligtas na pag-iimbak ng mga bakuna at iba pang temperature-sensitive medical supplies, at pagsusulong ng mga programang pangkaisipang kalusugan.
Kasunod nito ay ang Phase II ng naturang proyekto, na pinondohan mula sa 20% Development Fund sa halagang P983,270.07, na higit pang nagpahusay sa laboratoryo, cold chain storage, at mental wellness facilities ng City Health Office.
Bahagi rin ng pinasinaya ang rehabilitasyon ng ikatlong palapag at roof deck ng CHO Building na nagkakahalaga ng P2,997,577.80, na magsisilbing karagdagang espasyo para sa mga pagpupulong, pagsasanay, at iba pang community health programs.
Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang pangako nitong maglaan ng mga makabago, ligtas, at madaling maabot na pasilidad pangkalusugan. Mula sa dating City Infirmary hanggang sa makabagong City Health Office, patuloy na isinusulong ng lungsod ang isang mas matatag, mas episyente, at mas makataong sistemang pangkalusugan para sa kapakinabangan ng bawat Isabeleño.
Nakiisa sa turnover ceremony ang Bise Alkalde Ar-Jhemar Ajibon, mga Konsehal na sina James Abner Rodriguez, Yusop Abubakar, Jashim Tiplani, Alexes Ututalum, Karel Annjaiza Sakkalahul, ICPC President Pastor Ronald Paulino, at IPMR Panglima Jamalul Habibun. Naroroon din sina Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma; City Health Officer Dr. Mohrein Ismael VI, City Engineer Mario Rayman Rubio, RHU North Rural Health Physician Dr. Nujum Datu Indal, Dr. Abdulmanar Saliddin, City Information Officer Mendry-Ann Lim, at iba pang mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang tanggapan at sektor






