Republic of the Philippines

City of Isabela

NAKIKIISA ANG LUNGSOD NG ISABELA SA PAGGUNITA NG PAMBANSANG ARAW NG WATAWAT 2026

Nakikiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamumuno ni Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa paggunita ng Pambansang Araw ng Watawat 2026 mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 bilang pagbibigay-pugay sa kasaysayan, kabayanihan, at pagmamahal sa bayan na kinakatawan ng watawat ng Pilipinas.
Taglay ng pagdiriwang ngayong taon ang temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” na nagbibigay-diin sa mahalagang ugnayan ng ating pakikibaka para sa kasarinlan, sa hangarin nating magkaroon ng mas maunlad na bukas, at sa patuloy na pagpapahalaga sa mayamang kasaysayan ng bansa.
Nagsimula ang paggunita noong Mayo 28 bilang pag-alala sa makasaysayang Labanan sa Alapan noong 1898, kung saan unang iwinagayway ni Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas matapos magtagumpay ang mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa hukbong Espanyol sa Imus, Cavite. Ang makasaysayang pangyayaring ito ay naging sagisag ng pag-asa, pagkakaisa, at matatag na hangarin ng sambayanang Pilipino para sa kalayaan.
Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat, hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang bawat Isabeleño na patuloy na igalang at buong dangal na itampok ang watawat ng Pilipinas bilang simbolo ng katapangan, pagkakabuklod, at pagmamahal sa bayan. Nawa’y magsilbi itong paalala sa mga sakripisyong inialay ng ating mga ninuno at sa ating sama-samang tungkulin na pangalagaan ang kinabukasan ng bansa.
Mabuhay ang watawat ng Pilipinas. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.

Like this article?

Share on Facebook
Share on Twitter
Share on Linkdin
Share on Pinterest

Leave a comment

[fbcomments]

Recent Post