Naganap ang isang oryentasyon ukol sa “Registry of Barangay Inhabitants and Migrants (RBIM): A Response to Internal Migration” noong ika-6 ng Mayo sa Barangay Hall ng La Piedad.
Ang nasabing programa ay pinangunahan ni Jayson Salvador mula sa City Population Management and Development Office (CPMDO), sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Jesielyn Puno, City Population Officer/CNAO.
Isa sa mga pangunahing tinalakay sa oryentasyon ay ang pagkilala kung sino ang dapat irehistro sa RBIM. Nilinaw na ang Inhabitants ay ang lahat ng kasalukuyang naninirahan sa barangay, habang ang Migrants ay ang mga kababayang nagmula sa ibang lugar at lumipat na sa komunidad.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng RBIM upang mapatibay ang database ng barangay at masiguro na bawat residente, maging luma o bagong lipat, ay mapagsilbihan nang maayos at hindi mapag-iiwanan sa mga programa ng lungsod.
Ang sistemang ito ay ‘offline-based’ kaya mas madali ang pag-input ng datos. Sa pamamagitan lamang ng isang araw na training para sa mga magsasagawa nito, masisiguro ang mabilis at accurate na pag-record ng impormasyon para sa ikabubuti ng bawat pamilya.
Kaugnay nito, inaasahan ang pag-iikot ng mga BHW, BNS, BIO, at volunteers sa mga tahanan para sa mas maayos na registry ng komunidad. Layunin nitong masiguro na walang mapag-iiwanan sa Barangay La Piedad dahil bawat isa ay counted.
Dinaluhan ito ng mga opisyales at lingkod-bayan ng Barangay La Piedad kabilang sina Punong Barangay Dion Rey Mon, pitong mga Barangay Kagawad, Barangay Secretary at Treasurer, SK Chairperson Joven Eugenio, mga Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholar (BNS), at Barangay Information Officer (BIO).
Sa kabuuan, naging maayos at produktibo ang isinagawang oryentasyon na nagpakita ng pagkakaisa at dedikasyon ng mga lingkod-bayan para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan.
(Ulat at mga larawan ni BIO Patroller Noelyn Delos Santos ng Barangay La Piedad)
