Sa pagdiriwang ng ika-25 Cityhood Anniversary at Sakayan Festival 2026 na may temang “Reflections and Directions at 25,” naging highlight ang aktibong partisipasyon ng Barangay Information Officers Network (BION) sa ginanap na “Dia de Isabeleños: Pasangen sin Katabangan.”
Ang naturang aktibidad ay isinagawa noong ika-27 ng Abril sa Plaza Misericordia St., sa ilalim ng pangunguna at organisasyon ng Public Employment Service Office (PESO).
Kahit pa bumuhos ang ulan, patuloy ang naging masiglang pakikitungo ng 35 Barangay Information Officers (BIOs) sa mga residenteng dumaragsa sa booth. Tampok sa kanilang pakulo ang “BIONs TRIVIA BOX,” isang interaktibong laro kung saan, sinusubok ang kaalaman ng mga kalahok tungkol sa mga tanyag na landmark, kasaysayan, at ang demograpiya sa taong 2025 ng 45 barangays sa lungsod.
Sa ilalim ng mekanismo ng laro, bawat kalahok ay pinapayagang bumunot ng isang katanungan lamang mula sa Trivia Box. Kapag tama ang sagot, bibigyan sila ng pagkakataong bumunot sa “BIONs PRIZE BOX” para sa mga premyong gaya ng 5-kilong bigas, IsaTV/Sakayan Mugs, at mga payong.
Sa kabuuan, mayroong 45 na mga kliyente ang matagumpay na niserbisyuhan, nakiisa sa nasabing laro, at nakakuha ng mga handog na papremyo.
Ang pakikilahok ng BION sa mga ganitong malalaking aktibidad ay mahalaga upang mas mapalapit ang impormasyon sa publiko. Hindi lamang ito simpleng palaro, kundi isang paraan upang patatagin ang ugnayan ng bawat Isabeleño sa kanilang lokal na pamahalaan at kanilang komunidad. (Sulat ni S. Angging, CIO/Kuha ng mga Barangay Information Officers)
