Bilang panimula ng kanyang panunungkulan sa Himpilan ng Pulis ng Lungsod ng Isabela (PNP Isabela City Police Station), bumisista ang bagong talagang hepe na si PLTCOL Wilfredo Palamos Jr. sa mga pangunahing opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod at lalawigan, ika-20 ng Abril.
Sa Kapitolyo ng Lalawigan sa Lungsod ng Lamitan, malugod siyang tinanggap nina Gobernador Mujiv Hataman at Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, na kapwa nagpaabot ng mainit na pagtanggap at suporta sa bagong hepe ng pulisya. Ang nasabing pagbisita ay bahagi ng pormal na pagpapakilala at pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng kapulisan at mga katuwang na institusyon sa pamahalaan.
Layunin ng pagbisita na palakasin ang koordinasyon, komunikasyon, at pagtutulungan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) at ng lokal na pamahalaan bilang mahalagang salik sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa komunidad. Sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan ng mga institusyon, inaasahang mas mapapahusay pa ang pagpapatupad ng mga programa at inisyatiba para sa kaligtasan ng publiko.
Nagsilbi rin ang pagbisita bilang pagkakataon upang pagtibayin ang pagkakaisa ng mga lider sa lungsod at lalawigan tungo sa isang ligtas, maayos, at maunlad na pamayanan para sa lahat ng mamamayan.
