Personal na binisita ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman noong ika-7 ng Abril ang iba’t ibang billeting quarters bilang bahagi ng patuloy na pakikiisa at pagsuporta ng Pamahalaang Lungsod sa matagumpay na pagdaraos ng Zamboanga Peninsula Regional Athletic Association (ZPRAA) Meet.
Unang nagtungo ang Punong Lungsod sa Claret College of Isabela, kung saan pansamantalang nanunuluyan ang delegasyon mula sa Lungsod ng Zamboanga. Sa kanyang pagbisita, personal niyang kinamusta ang mga delegado at sinaksihan ang ginaganap na paragames, partikular ang larong Bocce.
Kasunod nito, binisita rin ng Punong Lungsod ang Begang National High School, na nagsisilbing billeting quarter ng delegasyon ng Zamboanga Sibugay na pinamumunuan ni SDS Dr. Virgilio Batan Jr. Sa naturang pagbisita, pinangunahan ng Punong Lungsod ang pagbibigay ng mga token bilang simbolo ng mainit na pagtanggap at suporta ng lungsod sa lahat ng kalahok sa palaro. (Kuha ni M. Santos, CIO)
