Personal na binisita ni Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman kasama si SDS Maria Laarni Villanueva ng Isabela City at Isabela City Sports Coordinator Dr. Arnel Hajan, ang ZANDIDAA Delegation Billeting Quarter nitong Sabado ng hapon, Abril 4, bilang bahagi ng masinsinang paghahanda ng lungsod para sa ZPRAA 2026. Ang billeting area para sa ZANDIDAA delegation ay matatagpuan sa Eastside Elementary School, kung saan pansamantalang tutuluyan ng mga atleta at opisyal.
Ang ZANDIDAA delegation ay binubuo ng pinagsamang mga delegado mula sa Zamboanga del Norte, Dipolog City, at Dapitan City. Dati ay magkakahiwalay ang mga delegasyong ito, ngunit ngayon ay pinag-isa upang higit pang mapalakas ang kanilang representasyon sa palaro.
Pinamumunuan ang naturang delegation ni SDS Jay Montealto, na dati ring nagsilbing Schools Division Superintendent sa Isabela City. Sa kanyang pamumuno noon, naging mahalaga ang papel ng lungsod sa pagsusulong ng sports development sa rehiyon.
Matatandaan na sa panahon ni Montealto bilang SDS sa lungsod, unang naglatag ng bid ang Isabela City upang maging host ng ZPRAA 2025—isang hakbang na nagbigay-daan upang sa kasalukuyan ay matagumpay na maidaos sa lungsod ang nasabing prestihiyosong palaro.
Sa isinagawang pagbisita, ininspeksyon ni Mayor Dadah ang kabuuang kondisyon ng billeting quarters, kabilang ang kalinisan, kaayusan, seguridad, at kahandaan ng mga pasilidad sa loob ng paaralan. Layunin nitong matiyak na magiging komportable at ligtas ang pananatili ng mga delegado sa buong duration ng kompetisyon.
“Responsibilidad nating tiyakin na maayos ang kanilang matutuluyan. Ito ang isa sa mga paraan ng pagpapakita ng ating mainit na pagtanggap sa ating mga bisita,” pahayag ng alkalde.
Patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang sektor upang masiguro ang maayos na implementasyon ng mga paghahanda para sa ZPRAA 2026, na inaasahang dadaluhan ng libo-libong atleta at delegado mula sa buong Zamboanga Peninsula.
