Kabuuang 112 na senior citizens mula sa iba’t ibang barangay sa Lungsod ng Isabela ang tumanggap ng kanilang cash gift alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 11982, na kilala rin bilang Expanded Centenarians Act of 2024, sa isang payout activity na pinangasiwaan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ilalim ng pamumuno ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (CSWDO) noong Marso 10 sa Senior Citizen Center, Barangay Tabuk. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na kilalanin at suportahan ang kapakanan ng mga nakatatandang mamamayan.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang tumulong at mangasiwa sa pagpapatupad ng programa. Kabilang sa mga naroon sina PDO at RA 11982 Provincial Focal Person Michelle P. Luna, , at PDO Rica Jane Natividad.
Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng mga lolo at lola na nasa edad 80, 90 at 100 taong gulang, na tumanggap ng kaukulang cash gift bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay at mahalagang ambag sa lipunan.
Isinagawa ang payout sa ilalim ng lokal na inisyatiba ng pamahalaang lokal, na nagbibigay-diin sa patuloy nitong pangako na itaguyod ang dignidad, kapakanan, at pagkilala sa mga nakatatandang mamamayan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11982, ang mga Pilipinong senior citizen ay may karapatang tumanggap ng P10,000 sa pag-abot sa edad na 80, 85, 90, at 95 taon. Samantala, ang mga aabot sa 100 taong gulang ay makatatanggap ng P100,000 kasama ang liham ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas. (Sulat ni KJ Lim/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)
