Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng mga awtoridad matapos lumubog ang M/V Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island, Basilan. Ang nasabing barko ay bumibiyahe mula Zamboanga City patungong Jolo nang maganap ang insidente.
Ayon sa Philippine Coast Guard, may sakay na mahigit 330 pasahero at 27 tripulante ang barko. Nagpadala ito ng distress signal bandang 1:50 a.m. nitong Lunes, Enero 26, mahigit apat na oras matapos umalis sa Port of Zamboanga City bandang 9:20 p.m. ng Linggo.
Sa pinakahuling ulat, 316 katao ang nailigtas, habang hindi bababa sa 15 ang kumpirmadong nasawi at 28 ang patuloy pang hinahanap. Ilan sa mga survivors ay dinala sa Isabela City at Zamboanga para sa agarang gamutan at medical assessment.
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela, 223 survivors ang dumaong sa Isabela City Port, habang 23 ang isinugod sa Basilan Medical Center para sa karagdagang lunas at obserbasyon.
Agad na rumesponde ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, katuwang ang Provincial Government of Basilan na pinangunahan ni Governor Mujiv Hataman, kasama ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at iba’t ibang lokal na ahensya at volunteer responders upang magsagawa ng search and rescue operations at magbigay ng agarang tulong sa mga biktima.
Nagpaabot din ng mensahe si Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, na nagsabing nananatiling bukas ang mga pasilidad at serbisyo ng lungsod para sa mga survivors at kanilang mga pamilya. “Sa oras ng sakuna, ang malasakit, pagkakaisa, at mabilis na pagtugon ang aming inuuna upang masigurong walang naiiwan at may agarang tulong ang bawat nangangailangan,” ani ng alkalde.
“Our prayers go out to children who lost parents, parents who lost children, siblings who lost brothers and sisters, spouses, friends, loved ones. May Allah S.W.T. ease your hearts; may Allah S.W.T. accept them as martyrs. Ameen,” dagdag pa ni Mayor Turabin-Hataman.
Nilinaw ng Philippine Coast Guard na hindi overloaded ang M/V Trisha Kerstin 3 at nasa loob ito ng pinahihintulutang kapasidad. Sa kasalukuyan, patuloy ang interview, beripikasyon, at marine casualty investigation upang matukoy ang sanhi ng insidente at pananagutan.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa mga kaukulang ahensya para sa mga susunod pang updates kaugnay ng insidenteng ito.
Bilang bahagi ng agarang humanitarian response, nagpatupad ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela at ang mga katuwang nitong tanggapan ng komprehensibong tulong para sa mga survivors ng insidente ng M/V Trisha Kerstin 3.
Mula sa LGU Isabela:
• Ready-to-Eat Food (RTEF)
• Packed meals
• Used clothing (donasyon)
• Hygiene kits
• Provision of psychosocial support at stress debriefing
• Emergency medical services at rescue operations sa pangunguna ng CHO at CDRRMO
Mula sa PSWDO/MSSD:
• Packed meals
• Family kits
• Hygiene kits
• Financial assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000 bawat kwalipikadong benepisyaryo
Patuloy ang koordinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa mga concerned agencies upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta, sapat na pangangalaga, at maayos na pagbangon ng mga apektadong pamilya habang nagpapatuloy ang search and rescue operations at imbestigasyon sa insidente.
