Pinangunahan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) IX, katuwang ang DepEd SDO-Isabela City sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela, ang Coordination and Planning Conference para sa 2026 Zamboanga Peninsula Regional Athletic Association (ZPRAA) Qualifying Meet na ginanap noong Agosto 26–29 sa BNHS Gymnasium.
Layunin ng naturang kumperensiya na opisyal na simulan ang mga paghahanda para sa nalalapit na 2026 ZPRAA Qualifying Meet. Tinalakay dito ang mahahalagang usapin gaya ng pakikipag-ugnayan ng host city, mga aspetong lohistikal, teknikal, at operasyonal, kabilang ang mga pasilidad para sa laro at tutuluyan, transportasyon, seguridad, serbisyong medikal, at media coverage.
Sa unang araw, isinagawa ang mekaniks ng kumperensiya at workshop sa pagpaplano, presentasyon ng mga pasilidad na tutuluyan at paglalaruan, at inspeksyon sa mga lugar. Sinundan ito ng pagbabahagi ng mga obserbasyon at rekomendasyon mula sa mga opsiyal pang-isports at direktor ng torneyo.
Tiniyak naman ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang buong suporta ng Pamahalaang Lungsod para sa mga delegado ng 2026 ZPRAA Qualifying Meet upang maging ligtas, maginhawa, at kumportable ang kanilang pananatili sa lungsod.
“Gagawin naming maginhawa ang inyong pananatili, lalo na para sa mga bata at magulang,” ani ng alkalde. Dagdag pa niya, nakahanda ang lungsod na makipag-ugnayan kaugnay ng tirahan, transportasyon, at seguridad.
Dumalo sa kumperensiya sina DepEd IX ESSD Chief Education Supervisor Sheila Rose Apiag, Regional Sports Officer Mario Shoji Romarate, Records Officer Edwin Dela Luna, Health and Welfare Officer Dr. Jay Percy, at Communications and Media Information Officer Dahlia Paragas. Nakiisa rin ang mga opsiyal pang-isports at direktor ng torneyo mula sa lungsod ng Dapitan, Dipolog, Isabela, Pagadian, at Zamboanga, at lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Sulu.
Kabilang naman sa mga kinatawan mula sa Lungsod ng Isabela ang Pansamantalang Tagapamanihala ng Sangay ng mga Paaralan (OIC SDS) Dr. Ma. Laarni Villanueva, ASDS Dr. Lyna Basri, Pansamantalang Punongguro ng BNHS Dr. Arnel Hajan, CHO Dr. Mohrein Ismael VI, at CDRRMO Uso Dan Salasim. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)
#IsangBuhayNaMaligayaAtMarangalParaSaLaha









