Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa Lungsod ng Isabela nang idaos dito ang kauna-unahang 2025 Dagyaw Open Government Town Hall Meeting noong Agosto 19 sa Isabela City Civic and Cultural Center. Pinangunahan ito ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) katuwang ang Ahensyang Pang-impormasyon ng Pilipinas (PIA), Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (DBM), Nagdilaab Foundation, Inc., at Pamahalaang Lungsod ng Isabela. Layunin ng pagtitipon na bigyang-daan ang bukás na dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan tungkol sa mahahalagang isyung panlipunan.
Malugod na tinanggap ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang mga kalahok at binigyang-diin ang kahalagahan ng dayalogo at pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala. Inilatag niya rin ang mga pangunahing prayoridad ng lungsod—ang usapin ng enerhiya at edukasyon—kasabay ng pagpapatibay sa pangako ng pamahalaan sa transparency, pananagutan, at inklusibong pamumuno.
Nagpahayag ng pasasalamat si DILG IX Regional Director Paisal Abutazil sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa mainit na pagtanggap at mahusay na pamumuno na naging susi sa matagumpay na pagdaraos ng Dagyaw. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng enerhiya at edukasyon bilang haligi ng inklusibong kaunlaran—enerhiya na nagbibigay-liwanag at kabuhayan, at edukasyon na nagbubukas ng pinto para sa kinabukasan ng kabataan. Pinuri rin niya ang mga organisasyong panlipunan-sibil (CSOs) bilang mahalagang katuwang na nag-uugnay ng pamahalaan at mamamayan.
Ibinahagi ni Dr. Janekin Hamoc mula sa DepEd SDO-Zamboanga City ang mga reporma ng kagawaran sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Sonny Angara, gaya ng pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan, paggamit ng teknolohiya sa edukasyon, pagbibigay-lakas sa mga guro, pagbabago sa kurikulum, pagpapatatag ng pakikipag-ugnayan, at pagsusulong ng pagpapanatili tungo sa isang inklusibo at handa-sa-hinaharap na sistemang pang-edukasyon.
Samantala, tinalakay ni Engr. Camelo Cabuga ng Kagawaran ng Enerhiya–Mindanao ang isyu ng enerhiya, partikular sa mga isla at off-grid areas. Itinampok niya ang pangangailangan para sa matatag, abot-kaya, at napapanatiling kuryente gamit ang renewable energy, hybrid systems, at mga polisiya gaya ng Missionary Electrification Development Plan at Microgrid Systems Act.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni Gobernador Mujiv Hataman na dapat manatiling nakasentro sa tao ang lahat ng inisyatiba ng pamahalaan. Tinukoy niya ang kakulangan ng suplay ng kuryente bilang pangunahing hamon ng Basilan at binigyang-diin ang pagiging napapanahon ng mga talakayan tungkol sa enerhiya at edukasyon. Bagama’t hiwalay na yunit administratibo ang Lungsod ng Isabela, nanawagan siya ng pagtutulungan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan, sapagkat anumang solusyong maipatupad dito ay malaking tulong din sa buong lalawigan.
Sa dalawang yugto ng Open Dialogue, nakapagbahagi ng pananaw at rekomendasyon sina Bokal ng Unang Distrito Ahmed Ibn Djaliv Hataman, Nagdilaab Foundation Executive Director Miriam Suacito, Dr. Reynajoyce Barutu ng DepEd SDO-Isabela City, at kinatawan ng akademya na si Geronimo Salomes. Nabigyang-tinig ang mga mamamayan at stakeholder upang ilahad ang kanilang saloobin at suhestiyon.
Sa pagtatapos, isinagawa ang Pulso ng Bayan segment at synthesis mula kay Gaesha Hazel Wee ng DBM IX, na sinundan ng closing remarks ni Pastor Ronald Paulino, Pangulo ng Isabela City People’s Council. Naging makulay ang pagtatapos ng programa sa pamamagitan ng Ropa Rampa Runway Showcase at mga pagtatanghal ng Pasangan Cultural Dance Troupe.
Ang salitang “Dagyaw,” na mula sa Hiligaynon na nangangahulugang bayanihan, ay nagsisilbing pambansang plataporma ng pakikipag-ugnayan upang matiyak na ang tinig ng mamamayan ay naririnig at naisasama sa mga programa at polisiya ng pamahalaan.
Dumalo rin sa Dagyaw 2025 si DILG Central Office SLGP-PMO Program Manager Richard Villacorte, LGCDD IX Chief Alvin Rex Lucero, Atty. Francis Sarji Uka Aldana mula sa DILG Central Office, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Bise Alkalde Ar-Jhemar Ajibon, mga pinuno ng mga kagawaran ng LGU sa pangunguna ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, gayundin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang pambansang ahensya, akademya, CSOs, lider-IP, barangay officials, kabataan, faith-based groups, at iba pang organisasyon. (Sulat ni SJ Asakil, CIO/Kuha nina KJ Evardo ng IsaTV at M. Santos ng CIO)
