Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2025 sa Lungsod ng Isabela at pagpapatuloy ng kampanyang Larga Isabela ni Bise Alkalde Ar-Jhemar Ajibon, isinagawa ang ikalawang araw ng “ARISE: Youth Leadership Training for a Responsible and Empowered Generation”, ika-12 ng Agosto, sa pakikipagtulungan ng 6th Special Forces Battalion ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Ipinagpatuloy sa ikalawang araw ang serye ng makabuluhang sesyon para sa mga kabataang lider. Sa ika-apat na sesyon, tinalakay ni SGT Rodrigo Celebrado Jr. ang Preventing and Countering Violent Extremism (PCVE) na naglalayong magbigay-kaalaman sa kahalagahan ng kapayapaan, pag-unawa, at pakikipagkapwa bilang tugon sa mga banta ng karahasan at ekstremismo.
Tinalakay naman ni CMOO CPT Ian Clyde Conde ang isyu ng West Philippine Sea at ang kaakibat na karapatan ng bawat Pilipino, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pambansang soberanya at karapatan sa likas-yaman.
Kasunod nito, pinangunahan ni Fahid Taib Hadid ang sesyon sa Digital Citizenship and Media Literacy kung saan binigyang-diin ang responsableng paggamit ng digital platforms, tamang pag-unawa sa nilalaman ng media, at kahalagahan ng pagiging mapanuri upang maiwasan ang maling impormasyon at mapanatili ang ligtas na pakikisalamuha online. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)
#LinggoNgKabataan2025
#HAPIsabela
#IsangBuhayNaMaligayaAtMarangalParaSaLahat







