Sa layuning mas mapalawak ang abot ng serbisyong pang-impormasyon para sa mga Isabeleño at ipagpatuloy ang kasunduan sa pagitan ng IsaTV ng Pamahalaang Lungsod at BCH Cable TV Network, pormal nang muling nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapanatili ng pagapapalabas IsaTV Channels sa BCH Cable TV Network, ika-25 ng Agosto.
Pinangunahan mismo ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang paglalagda ng MOA kasama si CIO Mendry-Ann Lim. Lumahok din si Konsehal Alexes Ututalum bilang tagapangasiwa ng BCH Cable TV Network, habang kinilala naman si Jessica Infante bilang may-ari ng nasabing network. Nagsilbing mga saksi sa kasunduan sina Konsehal Ututalum at CIO Lim.
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, mas mapalalakas ang hatid na balita, programa, at mahahalagang anunsyo ng pamahalaan, upang mas maging malawak, episyente, at epektibo ang daloy ng impormasyon sa buong komunidad. Matatandaan na unang inilunsad ang IsaTV Channel noong Hulyo 2022 bilang isa sa mga flagship programs ni Alkalde Turabin-Hataman upang mailapit ang pamahalaan sa mga mamamayan gamit ang plataporma ng telebisyon.
Ngayon, nasa ikatlong taon na ng operasyon ang IsaTV, at ang MOA signing na ito ay higit pang nagpapatibay sa mandato nitong magsilbing pangunahing daluyan ng tapat, makabuluhan, at maagap na impormasyon para sa bawat Isabeleño. Ang nasabing kasunduan ay itinuturing na isang mahalagang hakbang tungo sa mas bukas, konektado, at maalam na lungsod ng Isabela. (Sulat ni KJ Lim, IsaTV/Kuha ni M. Santos, CIO)